Venus

I love you, you know although sometimes it just doesn’t show.

Linya ‘yan sa kanta ng Apo Hiking Society. ‘Yan din ang nakasulat sa unang pahina ng diary na regalo nya sa ‘kin sa isang napakahalagang bertdey ng buhay ko. ‘Yan na lang ang naaalala kong nakasulat dun. At ‘yan din ang pinaka-naaalala ko sa kanya. Siguro dahil ‘yan na ang buod ng relasyon namin.

Mahirap maintindihan ang damdamin nya. Kadalasan di ko alam kung galit ba sya, masaya, nagtatapang-tapangan o talagang maingay lang sya. Halos lahat ng kaibigan ko ayaw nya, at lahat ng inibig ko ayaw din nya. Maliban na lang pag may sakit ako, di ko naaalang nilambing nya ‘ko at lalong hindi ko natatandaang ever sinabihan nya ‘ko ng I love you.

Matapos nyang palihim na basahin ang diary ko, nabasag ang kaliwang eardrum nya sa kasisinga. Hindi nya matanggap na puro puot sa kanya at kalandian ang laman nun. Kung bakit naman kasi pinakailaman nya yun e diary yun ng isang teenager. Baka ‘pag nabasa nya rin ang laman ng blog ko ngayon, yun namang kanang eardrum nya ang mabasag.

Di ako maantig sa pagda-drama nya nung hapong iyon. Ang nasa isip ko, sinira nya ang tiwala ko sa kanya. At lalo akong nagalit sa kanya dahil sinabi nyang hindi na sya ulit maniniwala sa kahit na anong isusulat ko dahil isa daw akong manloloko, dahil hindi ako marunong kumilala ng pagmamahal.

Lumipas ang maraming taon. Minsan ko na lang syang sinulatan pagkatapos ng eksenang yun. Isang mala-diary din ang pinadadala ko sa kanya nung mga panahong nalayo ako sa Kyusi. Pero tinigilan ko din yun dahil hindi naman sya sumasagot. Hanggang ngayon, tuwing susubukan ko syang sulatan para sabihin ang magagandang damdamin ko, tumitigil ang ballpen. Tuwing bertdey namin, ganito ang eksena ko.

Kahit sa text hindi ako makapaghayag ng damdamin ko. Tuwing babatiin ko sya sa kahit anong okasyon, deretsahan na lang ang pagbati ko. Kapag may problema, sinasabi ko na lang sa kanya, "God is good".

Pero nung naoperahan ako sa apendicitis, hindi ko natandaang maraming tao sa paligid ko. Ang naalala ko lang andun sya at tinatawag ko ang pangalan nya habang umiiyak ako sa sakit. Andun sya, kahit sya mismo ay dinudugo at pasyente din ng ospital na yun.

Tuwing malaki ang problema ko, takot ako, at magulong-magulo ang isip ko, sya ang una kong naaalala. Tinetetxt ko sya- "Pray for me". Pakiramdam ko, sya na ang pinakamalapit na koneksyon ko sa itaas. Tuwing gusto ko nang mawalan ng pag-asa, naiisip ko ang mga taông pinagpaguran nya at lahat ng lakas na ipinakita nya sa 'kin sa lahat ng panahon. Bumabangon ako at napapailing, dahil kumakapit naman ang paa ko sa sahig.

Hindi ako pwedeng magpatalo sa kahit ano o kahit sino, dahil sya rin ang nagsabi sa akin na malakas ako. Titig ko pa lang daw pader na. Ang lagi nyang sinasabi, matuto akong umunawa na malakas ako at ang iba ay mahina. Nun ko nalaman na tangan ko ang sumpang pinulot ko sa kanya- ang maging malakas.

Maaga nyang ipinamukha sa 'kin ang kahinaan ng kasarian ko at ng kalagayan namin sa buhay. Ganun nya ipinakilala sa 'kin ang pasasalamat sa mga simpleng biyaya.

Ang ganda ng araw. Masarap maglaba ngayon.

Sayang ang mantekilya baka matunaw. Tawagin mo ang mga kapitbahay.

Tingnan mo o, ang liit ng palad mo. Hindi ka yayaman pero marami kang magagawa dahil kumpleto ang mga daliri mo.

Ang babaeng ito ang ang nagsabing bobo ako sa Math, ang pumigil sa 'kin na kumanta, ang nagturo sa akin na mas makapangyarihan sa akin ang isang ipis. Ang babaeng ito ang hindi makapaniwala nang halos ma-perfect ko ang entrance exam ng isang unibersidad, ang naglupasay sa iyak nang makakuha ako ng mataas na grade sa NCEE, ang nagsabi sa 'kin na ang pangarap nya lang para sa akin ay ang makapag-asawa ako ng matino. At ang babaeng ito din ang nagsabi sa ‘kin na wala akong hindi kakayanin kapag ginusto ko- dahil isa akong adelantada, maldita, at kung ano pang Espanyol na parang mura ang tunog.

Yan si Mudra, sobrang ganda nya pangalan pa lang Dyosa na- Venus.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento