Waiting

Napakaiksi ng pisi ko pagdating sa paghihintay.

Sabi ng Nanay ko, kayabangan ko na lang yun. Gusto ko raw kasi ako ang hinihintay. Overdue and paglabas ko sa kanya ng dalawang linggo, at halos ayaw pa kong ipalabas sa ospital dahil may bronco pneumonia ako.

Sa aming magkapatid, sabi niya ako daw ang papasa sa marshmallow test. Oo nga naman. Laging laman ng kwentuhan ng matatanda na nung bata daw ako, ang hilig kong umasa sa mga pramis.

Pramis, babalikan kita. Pramis, magkikita tayo ulit. Pramis, bago malanta ang everlasting pupunta tayo sa Manila Zoo.

Ilang beses daw akong nakapangumbaba sa may bintana at nagsasabing, "may hinihintay ako e".

Nung nagkamalay na ako, at meron na kong sariling lakad, alam ng lahat na hanggang 15 minutes lang ako kung maghintay. Pag wala ka pa, goodbye (at mga isang buwan kitang hindi iimikin, bwisit ka). Keber ko kung sino ka (bakit sino ka ba). Keber ko kung san ka galing, at lalong keber ko kung nabangga ang jeep na sinakyan mo. Ang usapan, usapan. Kung dapat e susunduin ako sa bahay, yari ka pag dating mo nakapambahay na ulit ako.

Bago pa ko sumampa ng kolehiyo, nag-umpisa na ang leksyon ko tungkol sa paghihintay. Pumasa ako sa isang pamantasan- waiting list. Naghanap ako ng boarding house- waiting list. Nagpalista ako sa mga subject- waiting list pa rin. Nagka-crush ako- waiting list din para mapansin.

Nang magtrabaho ako- don't call us we'll call you (yeah right, after one year pag may iba na kong trabaho), wait may kausap lang yung magi-interview sa yo, wait for your promotion, wait na-delay ang flight, wait kung holiday ba sa Monday, wait lang magkaka-increase din, wait ha busy lang ang finance hindi maharap ang reimbursement mo (na 115 pesos na last month mo pang ifinile).

Pati lovelife ko- wait lang next week andyan ako, wait nata-traffic ako, wait mababayaran din kita may hinihintay lang akong pera.

Sa spa, wait po kasi hindi pa available ang therapist nyo. Sa kainan, wait lang kasi namatayan ng ilaw madilim sa kitchen hindi maluto ang order nyo. Sa taxi, wait ka dyan walang gustong pumunta sa Ortigas matrapik.

Tutoong "Patience is a virtue". Lahat na lang kelangan hintayin, pagpasensyahan. Higit sa kung ano pa man, kelangang hintayin ang taong mahal mo. At ito ang extra challenge ng deka-dekadang istorya ng pag ibig ko. Bawat isa sa kanila hinintay ko.

Gusto ko tall, dark and handsome- ayun, napaka-possessive naman halos bawal akong bumahin sa kabilang direksyon. Sa oras ng pag-uwi ko, dapat talaga nakauwi na ko kundi abot langit ang pagtatanong kung san pa ba ko dumaan.

Gusto ko mayaman, yung may Chedeng- ayun, bobo naman. Maga-alphabetize lang nalilito pa pag ikatlong letter na ang magkapareho. Siguro naman dahil may computer na kaya nya na ngayon yun dahil malamang haytek ang mga gamit nya ngayon.

Gusto ko matalino at gwapo- ayun, halos balatan naman ako ng buhay ng lahat na makakakita sa aming magkasama. Pati grado ng mata ko at laki ng pwet ko pinag-uusapan ng madla. Syempre ang karugtong nun... "Bakit sya?"

Gusto ko ng mabait at masipag- ayun, wala na ngang pera pinagpalit pa ko sa isang bobang may malikot na daliri.

Kayabangan nga. Kala ko pag [nagma]maganda ka na, pag marami ka nang pera, pag medyo ginagalang ka na, pwede ka nang hindi maghintay. Madami naman pagpipipilian lagi di ba, bakit mo pa hihintayin ang imposibleng dumating?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento