Bluebook

Wala kaming ganyan. Di ko rin naman ma-gets kung bat kelangan bluebook e pwede rin namang yellow pad, pareho lang papel yan. Feeling ko nga ano ba yun- raket ng mga manang?

Yan ang sagot ni Classmate #2 nang magyabang si Classmate #1 na ever since sanay syang bluebook ang gamit kapag exam.

Nag-exam ako kanina. Putris na yan. Hindi ko ever naisip na pwedeng verbal ang exam sa Stat. 55 items lang naman- 45 na multiple choice at 10 pts na pinaghalong problem solving at proving, may isa pang mala-sodoku. Pero sa lahat ng yan, pinatulog ang calculator ko. Mahigit isang linggo akong nagpraktis, inulit ko pa nga lahat ng exercise para siguradong alam ko kung pano magpa-compute compute. At the end of it all, tagerger ang drama ng lola mo.

Hindi naman ako nakipatol sa exchange na yan kanina. Love ko ang bluebook, pero iba ang dahilan ko. Hindi pa para magmayabang, ang bluebook ay puno ng ala-ala para sa kin.

Sa bluebook ko natutunang memoryahin ang student ID ko. Sa bluebook din ako unang nalito- ano nga ba ang college ko, ano nga kaya ang first name ng teacher ko, at teka nga ano na ba talaga ang signature ko. Dati kasi basta buong pangalan ko lang sinusulat ko ng dikit-dikit, ang alam ko dun signature na. Iba pa syempre pag pinapagpraktisan ko ang apelyido ng crush ko.

Sa bluebook ako dati sumusulat ng mga love letter. Napakabagal naman kasi ng mail system dati. Kung may kakulandingan ka, madalas ang mga sulat nyo nagsasalisi. Pag sagot mo, wala nang kinalaman sa huli nyang sulat. At kung ang kalandian mong ito e masipag magsulat, mauubusan ka ng ikukwento. Pag bluebook ang gamit mo, para kang OFW na nag-iipon ng ipapadala. Lahat ata ng sulat ko parang diary:

Kumain ako ng baked macaroni kanina bago nag-exam. Masarap ang luto sa kubo ni Aling Inez. Pero nagmahal na ang fish crackers nila, naka-supot na nang maliliit.

Di ba, walang kwentang kwento. Pero tipong ganyan ang laman ng mga sulat ko. Wag ka, sasagot din sya:

Mabuti naman at kumakain ka ng maayos. Namimiss ko na nga ang kubong yan. Di ba dyan kita hinihintay para paglabas mo sa lecture hall kita mo agad ako.

Medyo may sense naman ang sagot.

Sa bluebook din ako nakipag-break. And drama e di ko na kaya ang LDR. Malapit na kong gumradweyt at naisip ko baka pinapaliit lang natin ang mundo natin. Araw ng Ms. Universe nun, di ko na tanda sinong nanalo. Hinatid na ko pauwi ng bartender nun e.

Sa bluebook ko isinusulat nun ang reviewer ko. Oy, hindi a. Hindi kodigo yun. Pinapraktis ko din kasi dati ang texture ng papel at daloy ng matalino kong ballpen. May bluebook kasing kasingnipis na ata ng onion skin at halos tumagos na ang ballpen ko. Meron ding magaspang ang papel, pero parang sa tanda ko yun yung makapal ang papel.

Kapag may bitbit kang bluebook para sa exam, parang handang handa ka na kahit slight lang. Tanda ko minsan, alas-syete aga kong pumasok kasi naman dalawang linggo na ata akong absent. Aba, may bluebook ang mga tao e bitbit ko lang ballpen at dalawang yellow pad. Anong meron bat late si Mam? A, exam kasi ngayon. A ganun ba. After two minutes. Excuse me, may extra bluebook ka?

Ang sama ng pakiramdam. Hindi na naulit yun. Kaya mula nun, may bitbit na ko lagi. Kaya pati notes ko, bluebook na rin.

Nung kelan may nagsabi sa kin. Ang bluebook pala e gamit ng din ng ibang universities. Kala ko kami lang. At sa Google, nadiskubre ko kung gano ka-powerful ang kung anek na anek na tinatawag nilang blue book. Pero may pareho sa lahat na ito- talaan sya ng mga mahahalagang dokumento at impormasyon. O ha.

Dati piso lang ang bluebook. Ngayon dalawang piso na. At oo, parang raket nga naman sya ng mga manang. Pero ang kabinet ko sa bahay sandamakmak ang bluebook, kahit pagkatapos ko kanina e isang exam na lang at thesis na ko. Aba, mabuti nang handa. Malay mo... baka sa bluebook ulit ako makipag-break.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento