Henry

Wala akong butler. Hindi nga kasi ako mayaman, at obviously hindi ako si Batman. Pwede sana akong maging si Superman pero maliban sa hindi ako lumaki sa farm, hindi naman ako galing sa planetang Krypton. Kung sana si Wonderwoman ako... kaso kulang naman sa boobs.

Pero meron akong bartender- si Henry.

Nakilala ko si Henry sa Heights, isang bar sa LB. Nasa third floor ng isang maliit na building ang Heights, malapit sa tinirhan kong pad nung estudyante pa 'ko. Para marating mo yung bar na yun, aakyat ka sa mala-fire escape na winding stairs. Isang lugar yun na tambayan ng mga estudyanteng may pambili ng beer at mga gurang na nagde-date ng mga kolehiyalang nagpapalibre ng beer.

Heights ang unang matinong bar na may videoke sa kalsadang yun. At noon, ang videoke ay hindi private rooms. Kung trip mong kumanta, sa isang maliit na entablado ka sasampa, uupo sa high chair at sasabayan mo ang TV sa harap mo. Dun ako unang sumideline bilang 'hostess'.

Raketera na ko kahit nun pa man, at mula alas-otso hanggang hatinggabi, tungkulin kong siguraduhin na nage-enjoy ang mga lasing. Hagya akong kakanta, magde-dedicate sa mga may bertdey, at kung kinakailangan e magpapatawa na rin. Syento-beynte ang bayad sa kin gabi-gabi, na di ko naman naipon dahil pambili ko lang din yun ng beer ko. Pero libre dinner ako sa club (club daw o).

Kursunada ng may-ari ng Heights si Henry. Ang kwento nya sa 'kin, nai-date nya si Henry ng ilang beses din. Kaakit-akit naman din itong si Henry. Matangkad sya, maitim, at mahiyain. Pormang promdi at mahinahon.

Namasukan sya bilang bartender dahil tulad ng lahat ng ka-dramahan sa buhay, may mga sinusuportahan sya sa pamilya. Eto kwento na lang ni Melchor. Hindi naman kasi pala-kwento si Henry, mas mahusay kasi syang makinig.

Dahil bar nga yun, at lagi akong lasing tuwing magkikita kami, hindi ko na tanda kung ano bang pinagkukwento ko sa kanya. Malamang mga heartache series ang pinagsasabi ko sa kanya, at wala naman syang naiimik o naipayo. Tatango-tango lang, ngingiti-ngiti, at magtatanong paminsan-minsan kung okey pa 'ko.

Nang mag-break kami ng jowa ko nun, nung araw ng Ms. Universe, na practically talagang araw pa ko nag-umpisang maglasing sa Heights habang naglilinis pa lang sila, si Henry ang naghatid sa 'kin pauwi- pababa ng nakakamatay na fire escape at patawid sa pad ko.

Mabait si Henry. Talaga namang isinaayos pa nya ko bago nya ko iniwan. At kinabukasan, walang kwentong kumalat sa kabalbalan ko. Parang alam nya na nakakahiya yun lalo na para sa tulad ko nun. Leader-leaderan kasi 'ko nun ng isang org.

Fast forward: five years after, bundat na bundat ako kay Jubilee. Nasa isang resort ako sa Calamba. May biglang humirit habang nakapila ako sa pagbabayad ng entrance, "Ay kumusta na po kayo?!". Si Henry.

Staff na sya ng resort. Medyo mataba ng konti, pero mas nagka-itsura lalo. Kumustahan, at gaya ng lahat ng kumustahang Pinoy, lahat ay okey. Nagpaalaman at di na kami ulit nagkita.

Bakit mahalaga si Henry sa 'kin? Simple lang. Sya pa lang ever ang taong nakausap ko na nakinig lang (usap nga ba ang tawag dun?), at enjoy din pala 'yun. Kung tutuusin para syang si Might Thor, yung pinakauna kong aso na pipi. At kung may taong aso sa buhay ko, sya na yun.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento