Charing

Kunsintidora akong kaibigan. Walang sasabihin ang kaibigan kong hindi ko maiintindihan at susugan. Para sa 'kin, kung san sya masaya susuportahan ko sya.

Nang gabing nagsabi si Charing ng tutuong nararamdaman nya tungkol kay Frank, hindi ako kumontra. Ang ganang akin lang, (1) kaibigan ako at sa lahat ng bagay kakampi ako dapat at (2) hindi naman sya nagpapaalam kung anong dapat nyang gawin, nagsasabi sya tungkol sa isang bagay na obviously pinagdesisyunan na nya.

O, di..... Tama sila. Kalamidad nga ang kinalabasan. Ilang buwan pa ending na. At eto na si Charing, tumatawag sa kalagitnaan ng ulan at baha. Literal ito ha. Naglalakad sya sa Elliptical Avenue habang umiiyak at hindi na nya alam san sya papunta. Sabi ko magkita kami sa McDo Citi Mall. Uminom sya ng hot chocolate para mainitan sya.Tamang-tama din kasi may tiangge dun kaya mamili sya ng bagong damit para palitan yung basa na nyang suot.

Eto pa ang isa kong rule sa pagkakaibigan. Ayokong-ayokong nakakakita ng kaibigang gumagapang sa desperasyon. Ang ibig kong sabihin yung biswal na miserable at walang ka-effort effort kahit TH na mag-feeling strong. Una, hindi natatanggal sa alaala yun- ang pangit, nakakabawas ng dignidad. Pangalawa, kapag nakakita ako ng isang taong mahina at lumalapit sa akin ang tendency ko patakbuhan ang buhay nya. Gusto nya ba yun? Syempre may basic assumption yan: lahat ng kaibigan ko malakas, walang lampa sa kanila.

Back to Charing.

Ilang taon pa, nag-law school, nakatapos, at abogada na. Ilang bwan lang at slightly ginagawa na nya ang gusto nyang gawin- maging "public servant". Paminsan-minsan kaming nagkikita, kwentuhan sa lahat ng pinagdaanan sa trabaho at pag-aaral at pagtaba-pagpayat-pagtanda sa mga sumunod pang mini lovelife. Parehong buwan ang bertdey namin kaya halos taon-taon nagse-celebrate kami kahit hindi sa saktong araw o saktong buwan.

Kakaiba si Charing sa lahat ng nakilala ko.

Sya ang perfect example ko ng "photogenic". Kung bakit sa mga pictures ay napakaganda ng babaeng ito. Walang kasintamis kasi kung ngumiti. Yun lang ulam na, ika nga. Kikinang ang ngipin nya, kasabay ng mga mata, at parang lahat ng muscle sa mukha nya ay talagang sumasama sa ngiti.

Sya lang ang nakilala kong wala na atang ginawa kundi mag-aral at magtrabaho. Tapos ng Psychology, nag-masters ng Public Administration, at nag-Law. Lahat pa yan sa UP. At ang pangarap nya ay "to work for the people". Oo, Charing. Kung nababasa mo ito, nabasa ko ang resume mo sa opisina natin dati.

Maiirita ka sa babeng ito. Kahit lunch break gusto trabaho ang pinag-uusapan. Naaalala ko nang mag-declare ako na walang pagu-usapang trabaho habang kumakain. At ilang lunch break syang hindi sumabay.

Si Charing din ang larawan ko ng isang Executive Assistant. Naka-mail merge ang directory nya, matino ang files, at pati contacts list ng cellphone ng boss nya sya ang gumagawa. Laging on time, kahit ata may sakit o malungkot sya maayos pa rin ang trabaho.

May silent power ang batang ito. Kaya nyang pukpukin ang mga consultant pag deadline na, ang kulit grabe. Higit sa lahat, napapasunod nya ang mga naging boss nya. Minsan nga kapag nagmamaneho yung isang dating boss namin, kelangan nyang sabihin kung stop o go o kung liliko. Para kasing hindi sya nawawala sa sarili nya, laging nagi-isip.

Nung Marso lang ikinasal sya, sa isang kababata. Ang bongga ng kasal. Nakita ko na lang yung video sa isang blog. Hindi na ko nakadalo s kabila ng mga paghahanda ko, nagluko kasi ang tyan ko two hours before akong paalis ng bahay. Hanggang ngayon nasa bahay ko pa ang regalo ko, ang ganda ng giftwrap. At si Charing, nasa US na kasama ng swithart nya.

Ginawa nya lahat ng gusto nya- mag-aral, magtrabaho, magpapayat, umibig at ikasal sa taong mahal nya at mahal sya. Isa na lang ang inaabangan ko: ang maging ina sya.

Siguro kung magpapa-annul sya later, bonus na yun.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento