B52

Boracay, 28/29 December 2004 - Magdamagang inuman hanggang mga alas-singko ng umaga. Hindi simpleng tagay ang inabot namin ni Kiel. Kauuwi nya galing South Africa para sa isang Christmas Holiday. Ito rin ang unang salta ko sa islang ito.

Proud naman ako. Kahit alam nyang 'ligawin' (read: madaling maligaw; although wish ko mas mabilis ang bigkas) ako, ipinagkatiwala nya sa akin si Nanay. Kararating namin nung umaga, sumunod lang kasi kami sa kanila ni JP na nauna nang lumipad ilang araw bago magpasko.

Nung gabi, nagpalipat-lipat kami ng bar- kumain, uminom, sumayaw - at sa dulo ay nagkwentuhan sa may baybay. Ang haba ng kwentuhang ito, palibhasa ang daming naipon para pag-usapan. Anong nangyari sa akin sa opisina pag alis nya, anong nangyari sa kanya pag dating nya sa ibang bansa, at ang pinakamahaba na ata e ano ba talaga ang mga nangyari nung andito pa sya.

Pareho kasi kami ng NGOng pinanggalingan. Nagkasama kami sa proyekto ng gobyerno, o para mas malinaw e boss ko sya ng higit isang taon. Pareho naming kinapaguran ang proyekto iyon. Correction, pinadugo kami ng trabahong iyon. Grabeng hirap hindi lang sa pisikal na aspeto kundi pati sa damdamin.

May kahirapang ipaglaban ang kahalagahan ng social preparation laban sa mga konkretong imprastraktura. Sa tutuo lang, ang mga donor at pati na ang gobyerno ay sa mga kalsada at walang katapusang waiting sheds lang naman nakatuon. Kapag loan project, ang binibilang lang naman kasi talaga e kung ilan ang naitayong imprastraktura. Yun kasi ang visible at yun lang din ang may formula para ma-compute kung anong epekto sa ekonomikong kalagayan ng komunidad. Pano ba mabibilang ang pagtaas ng sense of ownership? Ang pagtaas ng participation at confidence ng mga tao sa komunidad? Ang inclusion ng mga kababaihan? Mistulang palabok lang ang tinatawag na development support sa usaping agrarian reform development.

Sa kabila nun, nakita namin ang sitwasyon sa perspektiba ng isang national government agency. Iba nga naman ang view kapag nasa itaas ka ng building kesa kapag nasa kalsada ka mismo. Marami-rami rin kaming nakilalang mabubuting tao at mga taong may mabubuting hangarin. Akalain mo-meron palang ganun sa gobyerno natin?! Nalaman din naming may magagandang opinion at suhestyon ang mga taong ito, na hindi lang umaandar dahil sa byurokrasya. Ito na nga ang tinatawag na sistema.

Aping-api, kahit sa bilang ng staff, ang Community and Institutional Development component na yun ng project. Sa central office, nag-umpisa kaming dadalawa lang. Sa bawat arkipelago, isang staff lang. Nang lumapad ang unit namin, nadagdagan kami ng sekretarya at ng isang training specialist. Kaya naman halos sa opisina na kami nakatira, kundi man sa airport at hotel. Kadalasang wala na kami sa wisyo. Siguro kung banda kami noon, MYMP kami- sya yung kumakanta at ako ang tumutugtog.

Buti na lang kapwa kami masiyahin. Gumagawa kami ng oras para uminom (kahit ata sa kalagitnaan ng oras opisina), sumayaw sa Morato at Malate, mag-videoke, at mamasyal sa Adonis. Dahil din may apartment pa sila ni Gibo noon, may mga dvd cum movie review sessions kami. Labas pa yun sa talagang panunuod namin ng sine hanggang sa UP Film Center.

Sa katapus-tapusan, napagtanto naming malalim din ang mga natutunan namin. Binago ng proyektong yun ang pananaw namin sa development work, sa development at sa work. At alam naming hindi na namin pwedeng balikan ang mga dating paniniwala namin sa NGO work. Hindi na rin namin gustong balikan ang ganung padugo sa pagtatrabaho.

Sa pamamasyal na yun ko natipuhan ang isang halo ng inumin- tunay na nakakalasing at hindi pambata - ang B52. May mas komplikadong recipe nito, merong tatluhan lang. Pero sa Boracay ayon sa 'Henry' nila, ganito daw yun:

Kahlua, Bailey's, Tanduay white rhum, Absolut vodka... lahat pangkapat na bahagi... dahan-dahan ang buhos para hindi maghalo-halo (pwedeng takalin sa kutsara)... sa isang jigger. Tunggain mo lang ng diretso. Kung gusto mo ng pahinga, mag-beer ka muna tapos tuloy ulit.

Babala: BAKA MAGSUKA.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento