Lambanog

Buhangin ang sumalubong sa akin, pero hindi yun ang highlight ng pagdating ko. Napatingala ako sa asul na langit at noon ko napansin ang mga nagsilambiting siliran ng lambanog sa mga puno ng nyog. Hitik na hitik ng ganito ang di mabilang na puno sa beach na iyon. Patay kang bata ka. Hindi maganda ito.

Galing pa ako sa isang workshop, at bumyahe ako papuntang Batangas para sa isa namang strategic planning. Puro abogado ang nandito. Matagal ko na rin silang kliyente at labs ko sila dahil siryoso silang katrabaho at masaya silang kabarkadahan. Kaya naman hindi ko sila matanggihan, sukdulang kumuha ako ng proxy para sa unang araw na hindi ko madadaluhan.

Lumipas ang maghapon ng kakaibang planning workshop na ito. For the first and so far the only time, nakasaksi ako ng workshop na may halong metaphysical exercises. Kasali ang mga lamang lupa at di nakikitang mga kaluluwa sa paligid, pinaglaro ang mga energies para sa pagbabalangkas at pagbubuo ng mga ideya ng grupo. Bawal tumawa, bastos naman kung bungisngisan ko ang mga paniniwala nila. Pero nakakatawa talaga.

Medyo masakit sa ulong pagsanibin ang superstitious belief at ang isang very cognitive na aktibidad. Nakaka-lost, sa tutuo lang. Hindi ko na malaman sa mga oras na yun kung ano ba talaga ang iko-cover ng report ko. Pero sige lang, ikekeri ko ito. Tsaka ko na iisipin pano ko didiskartehan kapag nagsusulat na ako. Siguro ilalagay ko na lang sa text boxes ang mga ganitong eksena para hindi magulo sa general flow ng dokumento. Pwede namang palabasin na lang ito bilang mga GD.

Sa mga cottages nakatalagang matulog ang mga tao. Apatan sa isang kwarto at kasama ko ang isang facilitator at dalawang kasapi ng organisasyon. Magiliw naman silang kasama at maayos sa kwarto.

Sa labas ay may mga kubong sa wari ko ay sadyang nakalaan para sa mga kasiyahan sa gabi. Doon nagtipon-tipon nang dumilim na at tapos na ang mga pagpupulong at hapunan.

Nakilala ko dito ang isang baguhang kasapi nila, na isa ring dating taga-LB. Fratman din si Mikhail. At dahil kapwa kami mga anak ng LB, mayabang kami sa inuman. May araw pa ipinagmamalaki na naming hindi basta-basta tumutumba ang mga taga-LB pagdating sa inuman, na ethyl alkohol lang ang tinatalikuran namin. Dito kami napahamak- sa kayabangang ito.

Ibinagsak na sa hapag ang isang bote ng lambanog. Ang ganda ng lalagyan, halos lahat ay dumidigang makamit ang lalagyan na iyon. At ang naging patakaran ng grupo, ang pipiga sa huling patak ang mag-uuwi ng silirang ito.

Lord, unang singhot pa lang iginuhit ko na ang exit door ko: hindi ako pwedeng magpakalango; mahalaga akong susi ng buong pagpupulong na iyon, kelangang matino ang kokote ko kinabukasan. Parang paktorya ng plastic ang amoy ng alak na iyon. Parang ayokong papasukin sa katawan ko ang hayup na alak na iyon. Parang kapag humithit pa ako ng yosi habang umiinom ay liliyab ang hininga sa taas ng alkohol nun. Parang gasolina ata ang inihain sa amin. Nakakahibang itong alak na ito.

Ikatlong Tagay
Ang taas naman ng tagay. Busog na ata ako. Dapat ata dinamihan ko ang mga nilagok kong taba at mantika ng ulam nung hapunan para hindi kumapit sa bituka ko ang likidong ito. Kelangang maya't maya akong tumayo para matantya ko ang tama.

Ikalimang Tagay
Ba't kasi walang TV sa mga cottage. Pagpapanggapan ko sanang avid follower ako ng Jang Geum. Kung may beer sana, kahit Pale Pilsen, papatusin ko na. Pwede ko namang sabihing mas beer drinker talaga ako, maarte na ako ngayon at namimili na ako ng lasa. Gaano kaya kalayo ang nabibilhan ng beer dito? Ang chaka naman kasi, kahit pulutan wala.

Ikasampung Tagay
Napaka-interesting sana ng pinag-uusapan, kung nasusundan ko lang. Aling minas na ba ang tinutukoy nila? Sabagay, pare-pareho lang yan- lahat ng minas hindi sustainable!

Ikalabing-isang Tagay
Ba't bigla naman atang umiikot na ang paningin ko? Nakakailang tagay na ba ako? Kelangan ba talagang patas ang taas ng bawat tagay?

Sandosenang Tagay
Babalik pa ba ako? Mahihiya ang ubas sa kulay ng mukha ko. Mukha ko pa ba ito o talong? Himala namang nagkaganito 'ko, sa tanang buhay ko namumutla ako kapag nalalasing. Susundutin ko na talaga ito...

Isa Pa Bang Tagay
Sang sipsip, sang yosi. Bagalan ko na lang tutal mukhang bangag na rin sila di na nila napapansin. Tulog na itong katabi ko. Parang ayoko atang dito ako matulog.

Isa Pa Atang Tagay
Last na ito. Wa poise nang magpahatid sa cottage.

Hinding-hindi Na Ata Ako Iinom
Ayokong humiga. Matutulog na lang akong nakaupo. Pipikit ba ako o didilat? Pucha, anong oras na ba? Sana malayo pa ang umaga, hindi ko kering ganito itsura ko pagtaas ng araw.

Eden, okey ka lang? Bat dyan ka sa sahig nakaupo, higa ka na at matulog.

Okey lang ako, nagpapahinga lang muna 'ko saglit. Maya-maya tutulog na 'ko.

Isinusumpa ko ang lambanog. Halimaw! Next time talaga beer na lang ako.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento