Budi's Shattered Dreams

Nasunog na ako.

Hindi panghihinog ang naramdaman ko dati sa trabahong pinasok ko pag-alis ko sa NGOng matagal kong kinabilangan- literal na pagkasunog. Nung mga panahong yun, ubos na ubos ang lakas ko.

Di tulad ng maliliit na tagumpay na natikman ko, di tulad ng pagkakuntentong pinagtampisawan ko, ang naranasan ko sa pakikipagtrabaho sa gobyerno. Palibhasa, nag-ambisyon akong iwan ang NGO work dahil ang sabi ko ayokong tumanda na yun lang ang pananaw na naiintindihan ko. Yan tuloy nalaman kong gabundok ang harang kapag byurokrasya ang nagdedesisyon sa bawat galaw ng gawain mo.

Yan ang pakiramdam ko noon. Kung babalikan ko ngayon, ngingitian ko na lang yun at tahasan ko nang sasabihin na kahit anupaman ang nangyari, sulit na rin sa karanasan.

Ang tawag daw dun ay "burnout". Nang magpaalam ako sa project manager noon, ang sabi ko wala naman akong ibang lilipatan manunuod lang ako ng TV at titiwangwang sa bahay. Hindi rin naman ganun ang talagang ginawa ko. Nasundan agad ng magagandang proyekto ang lola nyo. Pero tuwing mag-aapply ako ng regular na trabaho, gusto ko na yung mga posisyon na "hindi nag-iisip".

Nag-apply nga ako bilang sekretarya sa Ateneo, sabi sa kin- "Magturo ka na lang, qualified ka at may bakante kami". Pinuntahan ko ang isang ad sa dyaryo na ang sabi ay "earn big, work part-time"-pagtitinda pala ng water purifier sa bahay-bahay. Sabi sa kin, "What's a UPLB grad doing here?" Nag-psych exam ako sa isang law firm na naghahanap ng kolektor sa pautang, hindi daw ako fit (pero tinawagan din nila ako paglpas ng isang taon, "Congratulations" daw at ako ang napili pero duda ko 15th choice ako at tumanggi lahat ng inalok). Ganun din sa isang mutli-national pharmaceutical company- hindi daw ako akma para maging Med Rep.

Sa katapus-tapusan, umuwi pa rin sa pagsusulat ng mga report ng kung anek-anek na opisina ang lola nyo. Pamilyar. Ganyan din ang kinahantungan ko nang mag-SAT exam ako nung freshman ako sa kolehiyo at gusto kong lumipat ng kurso. Talagang Devcom daw ang fit sa akin.

Kapag feeling mo naibigay mo na lahat ng lakas at puso mo sa trabaho at mistula kang nasagasaan ng pison sa opisina mo at ayaw mo nang magbigay pa, kapag naubusan ka na ng papuri sa trabahong araw-araw mong ginagawa, kapag gusto mo na lang magpalutang-lutang, yan na yun. Sunog ka na, dear.

Two years ago, nag-research ako tungkol sa burnout na muntik ko nang ilahad sa isang presentasyon sa GMA. Dun ko mas naintindihan na hindi lahat ay nakakabangon dito. May tendensiya pa nga itong magpaulit-ulit. Hindi biro ang kondisyong ito.

Kaya alam na alam ko ang tinutukoy ni Budi nang paulit-ulit syang nagrereklamo tungkol sa opisina nya noon. Minumura nya ang mga Koreanong boss nya. Sinlalim ng Pacific Ocean ang sama ng loob nya sa opisinang ilang taon nyang pinagtrabahuan. Gusto na nyang lumipat ng industriya, ayaw na nya sa kababuyan (feeds kasi ng mga baboy ang tinitinda nya noon). Nakaramdam ako ng pagkaawa at pag-aalala sa kanya. Alam kong mahirap bumangon sa burnout- matagal, balisa, walang direksyon.

Ilang inuman ang inabot namin, sa loob ng mahigit-kumulang isang taon hanggang tuluyan na syang bumitiw sa trabahong yun. Mga payo, mga pagpipiliang trabaho o negosyo ang laman ng mga usapan. Nagpacompute-compute pa kami ng potensyal ng organic "styro" packs. Kahit anong maganda at nakaka-inspire na usapan, laban yan.

May tent pa dati sa aking garden-gardenan. Ang leche kong kapitbahay nagpa-park pa ng kotse sa tapat ng bahay ko. Wa kami care, dire-diretso lang kwentuhan. Kadalasan San Mig Light ang nakahain, paminsan-minsan may bitbit syang vodka, at chips lang ang pulutan. Kung tutuusin, mali- nakakadagdag ng depression ang alak, lalo na kapag iniinom sa dilim. Superstitious belief? Bahala ka.

Paminsan naglalambing itong si Budi. Umoorder yan ng tapsilog bago kumagat ang dilim. Kahit may panggagalingan pa ako, kumakaripas ako ng uwi para ipaghanda sya ng tapsilog. Nang minsan pa nga, crispy pata ang hiningi. Buti naman at pwede na sa kanya ang Monterey. Ang pinakamahirap nyang hiniling ay ang isang pulutang tinagurian naming Budi's Shattered Dreams
. Eto yun:

isang lata ng meatloaf...kalahating cheddar cheese ...parehong cubes ang pagkahiwa...pinaghalo sa plato...tinidor. Yon!

Wag na wag gagamit ng ordinaryong meatloaf, pumili ng imported tulad ng Dak. Pag nagkamaling gumamit ng Argentina o kahit Purefoods at kinutsara mong palabas ng lata ang meatloaf, malalaman mo kung bakit ganito ang tawag sa pulutang ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento