Nirvana

Ramdam ko pa ang kirot.

Kapapanganak ni Kris Aquino kay Joshua. Yan ang headline sa dyaryo nang araw na yun. Humupa na ang epekto ng droga sa katawan ko, kaya may kalinawan na ang isip ko. Kaya rin parang mas ramdam ko ngayon ang malaking sugat na tangan ko. Peklat ito, I'm sure. Sana hindi mag-keloyd, at hindi naman siguro.

Tama si Manang Violy. Pagkatapos ng lahat, gagaan ang pakiramdam ko. Magiging maaliwalas ang lahat. Pero hindi ako makalakad ng maayos. Di ko mapigilang tumupi. Wari ko kinakaladkad ko ang mga paa ko. Pilit kong tinutuwid ang sarili ko, tinataas ang nuo ko. Yun lang ang paraang paglakad na alam ko. Kahit namamaga ang dibdib ko. Kahit tabingi pa ang tingin ko sa sahig. Keber. Ito ang araw na yun.

Parang walang kasinghaba ang paglalakad na ginawa ko. Hindi ko na maalala ngayon kung kelan ako lumiko, dumiretso, umakyat o bumaba. Hindi ko na rin maisip ngayon kung sarili ko ba ang pinang-iingatan ko noon o ang tangan ko.

Nang marating ko ang unang hakbang palabas nang kulungang yun, parang gusto kong pumikit sa sarap. Ngunit paano ka kukurap sa ganda ng sinag ng araw na nakikipag-ulayaw sa lamig ng simoy ng hangin?

Tanaw ko ang nagsasaliwang mga bundok, na kahit kailan ay di ko pa narating at kahit sa pangalan ay hindi ko kilala. Kung bakit sa araw na ito, parang umatras ang mga ulap para bigyang daan ang mga bundok.

Natigilan ako sa lahat ng ito. Tamang-tama ang lahat. Tsaka ko na iisipin ang mga susunod na araw. Tsaka na ako luluha. Tsaka ko na pagsisisihan ang lahat. Tsaka ko na haharapin lahat. Walang katulad ang sandaling ito.

Tinitigan ko ang sanggol sa bisig ko. Sinasabi ko na nga ba, tatawagin ko syang Nirvana. Pero hindi bale na. Ang langit kahit sa anong pangalan ay langit pa rin.

Anak, ito ang araw na ibinaba mo sa akin ang buong kalawakan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento