Ipinapakita ang mga post na may etiketa na hain. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na hain. Ipakita ang lahat ng mga post

Lambanog

Buhangin ang sumalubong sa akin, pero hindi yun ang highlight ng pagdating ko. Napatingala ako sa asul na langit at noon ko napansin ang mga nagsilambiting siliran ng lambanog sa mga puno ng nyog. Hitik na hitik ng ganito ang di mabilang na puno sa beach na iyon. Patay kang bata ka. Hindi maganda ito.

Galing pa ako sa isang workshop, at bumyahe ako papuntang Batangas para sa isa namang strategic planning. Puro abogado ang nandito. Matagal ko na rin silang kliyente at labs ko sila dahil siryoso silang katrabaho at masaya silang kabarkadahan. Kaya naman hindi ko sila matanggihan, sukdulang kumuha ako ng proxy para sa unang araw na hindi ko madadaluhan.

Lumipas ang maghapon ng kakaibang planning workshop na ito. For the first and so far the only time, nakasaksi ako ng workshop na may halong metaphysical exercises. Kasali ang mga lamang lupa at di nakikitang mga kaluluwa sa paligid, pinaglaro ang mga energies para sa pagbabalangkas at pagbubuo ng mga ideya ng grupo. Bawal tumawa, bastos naman kung bungisngisan ko ang mga paniniwala nila. Pero nakakatawa talaga.

Medyo masakit sa ulong pagsanibin ang superstitious belief at ang isang very cognitive na aktibidad. Nakaka-lost, sa tutuo lang. Hindi ko na malaman sa mga oras na yun kung ano ba talaga ang iko-cover ng report ko. Pero sige lang, ikekeri ko ito. Tsaka ko na iisipin pano ko didiskartehan kapag nagsusulat na ako. Siguro ilalagay ko na lang sa text boxes ang mga ganitong eksena para hindi magulo sa general flow ng dokumento. Pwede namang palabasin na lang ito bilang mga GD.

Sa mga cottages nakatalagang matulog ang mga tao. Apatan sa isang kwarto at kasama ko ang isang facilitator at dalawang kasapi ng organisasyon. Magiliw naman silang kasama at maayos sa kwarto.

Sa labas ay may mga kubong sa wari ko ay sadyang nakalaan para sa mga kasiyahan sa gabi. Doon nagtipon-tipon nang dumilim na at tapos na ang mga pagpupulong at hapunan.

Nakilala ko dito ang isang baguhang kasapi nila, na isa ring dating taga-LB. Fratman din si Mikhail. At dahil kapwa kami mga anak ng LB, mayabang kami sa inuman. May araw pa ipinagmamalaki na naming hindi basta-basta tumutumba ang mga taga-LB pagdating sa inuman, na ethyl alkohol lang ang tinatalikuran namin. Dito kami napahamak- sa kayabangang ito.

Ibinagsak na sa hapag ang isang bote ng lambanog. Ang ganda ng lalagyan, halos lahat ay dumidigang makamit ang lalagyan na iyon. At ang naging patakaran ng grupo, ang pipiga sa huling patak ang mag-uuwi ng silirang ito.

Lord, unang singhot pa lang iginuhit ko na ang exit door ko: hindi ako pwedeng magpakalango; mahalaga akong susi ng buong pagpupulong na iyon, kelangang matino ang kokote ko kinabukasan. Parang paktorya ng plastic ang amoy ng alak na iyon. Parang ayokong papasukin sa katawan ko ang hayup na alak na iyon. Parang kapag humithit pa ako ng yosi habang umiinom ay liliyab ang hininga sa taas ng alkohol nun. Parang gasolina ata ang inihain sa amin. Nakakahibang itong alak na ito.

Ikatlong Tagay
Ang taas naman ng tagay. Busog na ata ako. Dapat ata dinamihan ko ang mga nilagok kong taba at mantika ng ulam nung hapunan para hindi kumapit sa bituka ko ang likidong ito. Kelangang maya't maya akong tumayo para matantya ko ang tama.

Ikalimang Tagay
Ba't kasi walang TV sa mga cottage. Pagpapanggapan ko sanang avid follower ako ng Jang Geum. Kung may beer sana, kahit Pale Pilsen, papatusin ko na. Pwede ko namang sabihing mas beer drinker talaga ako, maarte na ako ngayon at namimili na ako ng lasa. Gaano kaya kalayo ang nabibilhan ng beer dito? Ang chaka naman kasi, kahit pulutan wala.

Ikasampung Tagay
Napaka-interesting sana ng pinag-uusapan, kung nasusundan ko lang. Aling minas na ba ang tinutukoy nila? Sabagay, pare-pareho lang yan- lahat ng minas hindi sustainable!

Ikalabing-isang Tagay
Ba't bigla naman atang umiikot na ang paningin ko? Nakakailang tagay na ba ako? Kelangan ba talagang patas ang taas ng bawat tagay?

Sandosenang Tagay
Babalik pa ba ako? Mahihiya ang ubas sa kulay ng mukha ko. Mukha ko pa ba ito o talong? Himala namang nagkaganito 'ko, sa tanang buhay ko namumutla ako kapag nalalasing. Susundutin ko na talaga ito...

Isa Pa Bang Tagay
Sang sipsip, sang yosi. Bagalan ko na lang tutal mukhang bangag na rin sila di na nila napapansin. Tulog na itong katabi ko. Parang ayoko atang dito ako matulog.

Isa Pa Atang Tagay
Last na ito. Wa poise nang magpahatid sa cottage.

Hinding-hindi Na Ata Ako Iinom
Ayokong humiga. Matutulog na lang akong nakaupo. Pipikit ba ako o didilat? Pucha, anong oras na ba? Sana malayo pa ang umaga, hindi ko kering ganito itsura ko pagtaas ng araw.

Eden, okey ka lang? Bat dyan ka sa sahig nakaupo, higa ka na at matulog.

Okey lang ako, nagpapahinga lang muna 'ko saglit. Maya-maya tutulog na 'ko.

Isinusumpa ko ang lambanog. Halimaw! Next time talaga beer na lang ako.

B52

Boracay, 28/29 December 2004 - Magdamagang inuman hanggang mga alas-singko ng umaga. Hindi simpleng tagay ang inabot namin ni Kiel. Kauuwi nya galing South Africa para sa isang Christmas Holiday. Ito rin ang unang salta ko sa islang ito.

Proud naman ako. Kahit alam nyang 'ligawin' (read: madaling maligaw; although wish ko mas mabilis ang bigkas) ako, ipinagkatiwala nya sa akin si Nanay. Kararating namin nung umaga, sumunod lang kasi kami sa kanila ni JP na nauna nang lumipad ilang araw bago magpasko.

Nung gabi, nagpalipat-lipat kami ng bar- kumain, uminom, sumayaw - at sa dulo ay nagkwentuhan sa may baybay. Ang haba ng kwentuhang ito, palibhasa ang daming naipon para pag-usapan. Anong nangyari sa akin sa opisina pag alis nya, anong nangyari sa kanya pag dating nya sa ibang bansa, at ang pinakamahaba na ata e ano ba talaga ang mga nangyari nung andito pa sya.

Pareho kasi kami ng NGOng pinanggalingan. Nagkasama kami sa proyekto ng gobyerno, o para mas malinaw e boss ko sya ng higit isang taon. Pareho naming kinapaguran ang proyekto iyon. Correction, pinadugo kami ng trabahong iyon. Grabeng hirap hindi lang sa pisikal na aspeto kundi pati sa damdamin.

May kahirapang ipaglaban ang kahalagahan ng social preparation laban sa mga konkretong imprastraktura. Sa tutuo lang, ang mga donor at pati na ang gobyerno ay sa mga kalsada at walang katapusang waiting sheds lang naman nakatuon. Kapag loan project, ang binibilang lang naman kasi talaga e kung ilan ang naitayong imprastraktura. Yun kasi ang visible at yun lang din ang may formula para ma-compute kung anong epekto sa ekonomikong kalagayan ng komunidad. Pano ba mabibilang ang pagtaas ng sense of ownership? Ang pagtaas ng participation at confidence ng mga tao sa komunidad? Ang inclusion ng mga kababaihan? Mistulang palabok lang ang tinatawag na development support sa usaping agrarian reform development.

Sa kabila nun, nakita namin ang sitwasyon sa perspektiba ng isang national government agency. Iba nga naman ang view kapag nasa itaas ka ng building kesa kapag nasa kalsada ka mismo. Marami-rami rin kaming nakilalang mabubuting tao at mga taong may mabubuting hangarin. Akalain mo-meron palang ganun sa gobyerno natin?! Nalaman din naming may magagandang opinion at suhestyon ang mga taong ito, na hindi lang umaandar dahil sa byurokrasya. Ito na nga ang tinatawag na sistema.

Aping-api, kahit sa bilang ng staff, ang Community and Institutional Development component na yun ng project. Sa central office, nag-umpisa kaming dadalawa lang. Sa bawat arkipelago, isang staff lang. Nang lumapad ang unit namin, nadagdagan kami ng sekretarya at ng isang training specialist. Kaya naman halos sa opisina na kami nakatira, kundi man sa airport at hotel. Kadalasang wala na kami sa wisyo. Siguro kung banda kami noon, MYMP kami- sya yung kumakanta at ako ang tumutugtog.

Buti na lang kapwa kami masiyahin. Gumagawa kami ng oras para uminom (kahit ata sa kalagitnaan ng oras opisina), sumayaw sa Morato at Malate, mag-videoke, at mamasyal sa Adonis. Dahil din may apartment pa sila ni Gibo noon, may mga dvd cum movie review sessions kami. Labas pa yun sa talagang panunuod namin ng sine hanggang sa UP Film Center.

Sa katapus-tapusan, napagtanto naming malalim din ang mga natutunan namin. Binago ng proyektong yun ang pananaw namin sa development work, sa development at sa work. At alam naming hindi na namin pwedeng balikan ang mga dating paniniwala namin sa NGO work. Hindi na rin namin gustong balikan ang ganung padugo sa pagtatrabaho.

Sa pamamasyal na yun ko natipuhan ang isang halo ng inumin- tunay na nakakalasing at hindi pambata - ang B52. May mas komplikadong recipe nito, merong tatluhan lang. Pero sa Boracay ayon sa 'Henry' nila, ganito daw yun:

Kahlua, Bailey's, Tanduay white rhum, Absolut vodka... lahat pangkapat na bahagi... dahan-dahan ang buhos para hindi maghalo-halo (pwedeng takalin sa kutsara)... sa isang jigger. Tunggain mo lang ng diretso. Kung gusto mo ng pahinga, mag-beer ka muna tapos tuloy ulit.

Babala: BAKA MAGSUKA.

Budi's Shattered Dreams

Nasunog na ako.

Hindi panghihinog ang naramdaman ko dati sa trabahong pinasok ko pag-alis ko sa NGOng matagal kong kinabilangan- literal na pagkasunog. Nung mga panahong yun, ubos na ubos ang lakas ko.

Di tulad ng maliliit na tagumpay na natikman ko, di tulad ng pagkakuntentong pinagtampisawan ko, ang naranasan ko sa pakikipagtrabaho sa gobyerno. Palibhasa, nag-ambisyon akong iwan ang NGO work dahil ang sabi ko ayokong tumanda na yun lang ang pananaw na naiintindihan ko. Yan tuloy nalaman kong gabundok ang harang kapag byurokrasya ang nagdedesisyon sa bawat galaw ng gawain mo.

Yan ang pakiramdam ko noon. Kung babalikan ko ngayon, ngingitian ko na lang yun at tahasan ko nang sasabihin na kahit anupaman ang nangyari, sulit na rin sa karanasan.

Ang tawag daw dun ay "burnout". Nang magpaalam ako sa project manager noon, ang sabi ko wala naman akong ibang lilipatan manunuod lang ako ng TV at titiwangwang sa bahay. Hindi rin naman ganun ang talagang ginawa ko. Nasundan agad ng magagandang proyekto ang lola nyo. Pero tuwing mag-aapply ako ng regular na trabaho, gusto ko na yung mga posisyon na "hindi nag-iisip".

Nag-apply nga ako bilang sekretarya sa Ateneo, sabi sa kin- "Magturo ka na lang, qualified ka at may bakante kami". Pinuntahan ko ang isang ad sa dyaryo na ang sabi ay "earn big, work part-time"-pagtitinda pala ng water purifier sa bahay-bahay. Sabi sa kin, "What's a UPLB grad doing here?" Nag-psych exam ako sa isang law firm na naghahanap ng kolektor sa pautang, hindi daw ako fit (pero tinawagan din nila ako paglpas ng isang taon, "Congratulations" daw at ako ang napili pero duda ko 15th choice ako at tumanggi lahat ng inalok). Ganun din sa isang mutli-national pharmaceutical company- hindi daw ako akma para maging Med Rep.

Sa katapus-tapusan, umuwi pa rin sa pagsusulat ng mga report ng kung anek-anek na opisina ang lola nyo. Pamilyar. Ganyan din ang kinahantungan ko nang mag-SAT exam ako nung freshman ako sa kolehiyo at gusto kong lumipat ng kurso. Talagang Devcom daw ang fit sa akin.

Kapag feeling mo naibigay mo na lahat ng lakas at puso mo sa trabaho at mistula kang nasagasaan ng pison sa opisina mo at ayaw mo nang magbigay pa, kapag naubusan ka na ng papuri sa trabahong araw-araw mong ginagawa, kapag gusto mo na lang magpalutang-lutang, yan na yun. Sunog ka na, dear.

Two years ago, nag-research ako tungkol sa burnout na muntik ko nang ilahad sa isang presentasyon sa GMA. Dun ko mas naintindihan na hindi lahat ay nakakabangon dito. May tendensiya pa nga itong magpaulit-ulit. Hindi biro ang kondisyong ito.

Kaya alam na alam ko ang tinutukoy ni Budi nang paulit-ulit syang nagrereklamo tungkol sa opisina nya noon. Minumura nya ang mga Koreanong boss nya. Sinlalim ng Pacific Ocean ang sama ng loob nya sa opisinang ilang taon nyang pinagtrabahuan. Gusto na nyang lumipat ng industriya, ayaw na nya sa kababuyan (feeds kasi ng mga baboy ang tinitinda nya noon). Nakaramdam ako ng pagkaawa at pag-aalala sa kanya. Alam kong mahirap bumangon sa burnout- matagal, balisa, walang direksyon.

Ilang inuman ang inabot namin, sa loob ng mahigit-kumulang isang taon hanggang tuluyan na syang bumitiw sa trabahong yun. Mga payo, mga pagpipiliang trabaho o negosyo ang laman ng mga usapan. Nagpacompute-compute pa kami ng potensyal ng organic "styro" packs. Kahit anong maganda at nakaka-inspire na usapan, laban yan.

May tent pa dati sa aking garden-gardenan. Ang leche kong kapitbahay nagpa-park pa ng kotse sa tapat ng bahay ko. Wa kami care, dire-diretso lang kwentuhan. Kadalasan San Mig Light ang nakahain, paminsan-minsan may bitbit syang vodka, at chips lang ang pulutan. Kung tutuusin, mali- nakakadagdag ng depression ang alak, lalo na kapag iniinom sa dilim. Superstitious belief? Bahala ka.

Paminsan naglalambing itong si Budi. Umoorder yan ng tapsilog bago kumagat ang dilim. Kahit may panggagalingan pa ako, kumakaripas ako ng uwi para ipaghanda sya ng tapsilog. Nang minsan pa nga, crispy pata ang hiningi. Buti naman at pwede na sa kanya ang Monterey. Ang pinakamahirap nyang hiniling ay ang isang pulutang tinagurian naming Budi's Shattered Dreams
. Eto yun:

isang lata ng meatloaf...kalahating cheddar cheese ...parehong cubes ang pagkahiwa...pinaghalo sa plato...tinidor. Yon!

Wag na wag gagamit ng ordinaryong meatloaf, pumili ng imported tulad ng Dak. Pag nagkamaling gumamit ng Argentina o kahit Purefoods at kinutsara mong palabas ng lata ang meatloaf, malalaman mo kung bakit ganito ang tawag sa pulutang ito.

Slammer

We were never friends. Yan ang confession ng mga mga 'kaibigan' ko ng 16 years.

Pano nila akong magiging kaibigan e lapitan nila ako ng payo- mula boypren hanggang jowa, basta lovelife sa akin ikinukonsulta. As if naman, perfect ang aking record pagdating sa pag-ibig! Pero sa akin sila lumalapit, nagkukwento, at ever ang papel ko ay ang mag-second guess kung anong tumatakbo sa kokote ng mga hunghang nilang love objects.

In fairness, may mga significant din namang social at political relationships na inilalapit sila. Kung minsan, assessments of their crazy selves ang ginagawa namin. Nagbiro na nga ako na maghahain ako ng lata tuwing dadalaw sila; fund raising pambili ng kapalit ng pink sofa sa labas ng bahay ko. Dito kasi nagaganap ang aming sessions, kasabay ng sari-saring alkohol at pulutan.

Ever since the world began, kahit nung hayskul pa ako, tambayan nang lagi ang mga nagiging tirahan ko. I guess feeling at home lang talaga ang mga so-called friends ko. Dati, nanay ko ang binuburingring ng mga barkada ko. Tapos, landlady naman ng boarding house. Nang magsarili na ako... jowa ko naman, na ever the bartender ng mga kaibigan ko- busog na sila sa asikaso libre sexual harassment pa.

Si Diana ang isang kaibigan ko na alleged malayong pinsan ng jowa ko. Hindi ko sya gaanong KC dati nung college. Lately na lang napadalas ang pagkikita namin. Malamang kasi iilan na lang kaming naiwan sa Pinas. Si Diana din ang may pinaka-long running record ng consultations sa akin. Iisa ang focus ng issue nya- ang jowa nya.

Matagal syang kumukunsulta tungkol sa kanyang hubby, na hindi rin nya tinatantanan ng kabubunganga. Hindi ko naiintindihan ito dati, kaya walang humpay din ako ng kakakalma sa kanya. Sa isip ko na lang, "to kasing jowa nya, malandi rin talaga". At 'ta mo nga naman ang kapalaran- mas malala pa ko sa kanya, kulang na lang kutsabahin ko si Satanas para makaganti lang ako.

So pano nga nila ako magiging kaibigan kung pakiramdam nila hindi patag ang lupang tinatapakan namin? Kung sa wari nila, lagi akong "composed" at in control sa sitwasyon? Paano ngayon magiging kataka-taka na kapag sila mismo ang may kapalpakan, hindi nila masabi-sabi kundi sermon ang aabutin nila sa akin.

Hindi nga kami magkakaibigan. Sa haba ng panahon, sa dami ng paghihirap, at sa bigat ng mga unos na pinagdaanan namin, hindi na pagkakaibigan ang tawag dun. Magkakapatid na kami. Malas lang kasi sa relasyong ito, obvious ba na ako ang mas matanda?

Ang masarap lang sa pagsasamang ito, pag tumalab na ang alkohol wala nang bata't matanda. Kapag lasingan na, patas lang ang murahan at panlalait namin sa isa't isa. Wala nang lihim, wala nang kasinungalingan, at wala nang pagpipigil kapag naghahalo na ang luha, pawis, sipon, at apaw ng alak.

Isang pagpupugay sa inuming ikaw lang ang bumabangka, Diana! Libag mo lang ang tutunggain namin kasalo ng iyong Slammer:

Kalahating Sprite, kalahating tequila... sa jigger... takip ng kanang palad, dakma ng kamay... bigla at malakas na hampas sa mesa... Akin ang unang tagay.

Putang ina nilang lahat!

Kaldereta Mix

"Neeng, ang sarap ng kaldereta, ang lambot-lambot."

Yan ang palambing na sabi ni wife, matapos silang magboljakan nang bonggang-bongga sa harap ko. Kaldereta lang ng jowa ko ang magpapatch-up ng marital indifferences ng dalawang ito.

Hindi ako ready sa marriage counselling. Mahirap palang maging consultant ng US at USSR at the time of cold war. Nadiscover kong the best way to do it is to have separate sessions. Para kang naglalaro ng chess mag-isa. Tuwing titira ka sa itim, yung itim ang poposisyunan mo. Ganun din pag sa puti ka naman. Ang komplikasyon: sa chess ang goal mo manalo ang isang side, sa marriage dapat win-win ang suma tutal.

Kung minsan naiisip ko, kahit isa lang ang manalo pwede na rin. Yung isa siguro, matuto na lang ng leksyon. Baka sakaling sa next round, tabla-panalo na.

Matagal na kaming hindi umiinom ni Diana. Oo, namimiss ko na sya. Minsan, nanuod kami ng sine- comedy love story. I think pareho kaming nag-enjoy. Duda ko, pareho rin naming iniisip noon, "haay, sana tutuong may eternal love; sana ganun kami ka-love ng partners namin- sinsarap ng sa pelikula". Pero minsan lang yun. Mas kadalasan, beer talaga ang kapiling namin.

Nung kelan tinanong ko sya kung may naaalala ba sya sa mga pinag-usapan namin habang umiinom ng GranMa. Wala syang matandaan. Lord, ako din wala. Nakakawala siguro ng ulirat ang lecheng GranMa na yan at pareho kaming nagkaka-amnesia. For fun, ganito ang mix nya:

Tatlong jigger... Dalawang Gran Matador, isang Coke... Magkakasunod na tungga... Fish crackers. Walang hangover yan, temporary insanity lang.

Kay Budi, ang pinaka-memorable na ay ang minsan syang dumalaw na nag-iisa. One quiet evening, nagkwento sya ng mga domestic frustrations nya- mga pakiramdam nya e failures nya as a hubby, at mga "wish ko lang" list nya. Of course he sounded more like he was complaining, but I know he also takes it against himself na hindi nya maiayos ang buhay nila. It was the first time I confessed to him that I know more than he would ever tell me. Nung gabing yun, kahit anong pilit nya, walang alkohol na dumating sa mesa. Ayoko, sabi ko. Gusto kong mag-usap kaming walang alkohol, tubig lang.

Dahil sila ang first couple sa samahan namin, ang icon ng love story sa aming magkakaibigan, wari ko walang may hangad na magkasira silang dalawa. Kahit nakakainis kung minsan na sa harap namin ay nagsasabong sila, keri to the pilit kami dahil may mga sweet moments pa rin ang dalawang ito.

Isang kilong Monterey beef (syempre kaldereta cut, pwede ring beef ribs kung gusto mo pa ng litid)... Tubigan, lubog ang karne... Pressure cooked with a dash of salt ng mga 45 minutes after ng unang sirit... Pakuluin ng five minutes with a magical kaldereta mix... One big patatas cut to your shape, one small can of garbanzos without the balat... Pag soft na si garbanzos, throw off your cut red bellpepper... Another mga five minutes...

Tinidor ang kalaban nito, at kahit anong inumin. Kahit Coke! At kung may bagong saing na kanin, panalo ito.